Martes, Nobyembre 8, 2011

PAHAYAG NG PAKIKIISA SA LABAN NG PALEA


ni Erwin Rayoso Puhawan noong Martes, Oktubre 04, 2011 nang 10:40 AM

Nakikiisa sa siil na kalagayan ng mga manggagawa ng Philippine Airlines at kasapi ng PALEA ang Kanlungan Center Foundation Inc., kasama na ang overseas Filipino workers (OFWs).  

Hindi na nakakapagtaka ang pag-apruba ng administrasyong Aquino sa desisyon ng Department of Labor na payagan ang PAL management sa planong outsourcing nito na magreresulta sa pagiging kontraktwal ng halos tatlong libong manggagawa ng Philippine Airlines. Hindi nakakapagtaka subalit nakapag-ngingit-ngit pa rin.

Matagal nang nagdarahop ang batayang sektor ng lipunang Pilipino, partikular na ang mga manggagawa. Mula sa datos mismo ng National Statistics Office, maliit na di hamak ang nagagasta ng nakararaming Pilipino kumpara sa ginagasta ng maliit na bilang ng mga nakaririwasang pamilya. Kung walang mga manggagawa at magsasaka at iba pang batayang sektor ng lipunan, walang yamang malilikha ng gagastahin ang maliit na bilang ng nakaririwasa sa lipunang Pilipino.

Subalit tila hindi pa ito sapat. Upang higit pang lumaki ang kita ng kumpanya, kailangan pang kunin ang katiyakan sa trabaho at bawiin ang mga karapatang napag-tagumpayan na ng mga manggagawa—katulad ng unyunismo at karapatang mag-welga. Kontraktwalisasyon ang pinaka-epektibong paraan ng isang negosyante para dito. Paano pa ba maiigiit ng manggagawa ang isang makataong kalagayan kung kontraktwal na siya?

Higit pa sa usaping ligal ang nagaganap ngayon sa pagitan ng PAL management at mga kasapi ng PALEA. Usapin na ito ng karapatang pantao at katarungang panlipunan. Nagtutulak din ito ng tanong kung ano ang higit na pinahahalagahan ng lipunan Pilipino—kagalingan ba ng tao o salapi? Subalit kahit sa antas ng ligalidad, may limitasyon ang “prerogative”ng kumpanya, na labis na sinandalan ng PAL management sa desisyon nito laban sa mga manggagawa. At sa likod ng pader na ito na kung tawagin ay “prerogative”, matatagpuan ang suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng labor department.

Tulad ng OFWs, itinuturing na lamang na commodity o bagay na kailangan sa isang produksyon o trabaho ang mga manggagawa, sa PAL at sa iba pang pagawaan sa loob at labas man ng bansa: tinatanggap, tinatanggal, binabawasan ng benepisyo—batay sa kagustuhan ng kapitalista.

Sa isang bayan tulad ng Pilipinas na umaasa sa pagpapadala ng manggagawa sa ibang bansa, paano nito aasahang igalang ang karapatan ng kanyang mamamayan kapag nagtatrabaho sa ibang bansa, kung dito mismo sa Pilipinas, ang karapatan ng mga manggagawa ay hindi pinahahalagahan?

KANLUNGAN CENTER FOUNDATION INC
CENTER FOR MIGRANT WORKERS

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento