Juana Change ni Mae Paner
Abante-Tonite Online
NOVEMBER 09, 2011 WEDNESDAY
“Bangin yata ang dulo ng tuwid na daan para sa aming mga manggagawa!” sabi ni Mang Ben (‘di n’ya tunay na pangalan). Whew!
Nang marinig ko ang sinabing ito habang nasa picket line ako ng PALEA, nasaktan ako para sa mga miyembro ng unyon. Masakit din sa akin ang ginawa ng ating presidenteng si PNoy.
Sa tingin nila ang DOLE at si PNoy na s’yang dapat sanang nagtatanggol sa uring manggagawa, ay siya pang nagdidiin sa kanila. At ang interes na pinuprotektahan ay ang interes ni Lucio Tan.
Pagkatapos ng sampung taong paghihintay na magbukas na muli ang CBA ay binulaga ang mga empleyado ng PAL nang sabihin sa kanilang gagawin na lamang silang kontraktwal na mga empleyado dahil mag-a-outsource na lamang ang PAL dahil sila ay nalulugi. Pero ang nakakaloka ay sila pa rin ang kukunin.
Ang ibig sabihin nito para sa superbisor na si Mang Ramon (‘di niya tunay na pangalan) na naninilbihan sa PAL ng tatlumpu’t isang taon ay kakaltasan ang sweldo n’ya ng P20,000.00. Mula P31,000 ay sasahod na lamang siya ng P11,000.00 kada buwan. At wala na siyang medical benefits kapag siya ay kontraktwal na. Tuwing limang buwan ay ire-renew ang kontrata n’ya. Sa ganoong paraan ay malaki ang matitipid ng management.
Pero ang ikinatuwa ko ay ang nakita kong tibay ng loob at pagkabuo ng samahan ng mga unyonista.
Kahit na sadyang pinapaalingasaw ang bulok na pagkain mula sa catering department ng PAL na nasa kabilang bakod lamang kung nasaan ang picket line ay ito pa rin ang naibulalas ng isa, “Naamoy n’yo ba ang leche flan? Sarap naman ng amoy.”
Bilib na bilib din si Fr. Nonong sa pinapakitang katatagan ng kalooban ng mga taga-PALEA kaya sa kanyang homily ay nasabi n’ya, “Dapat kayo ang nagsesermon at ako ang nakikinig sa inyo.”
Pinakinggan ko ang mga istorya kaakibat ng masalimuot na isyu na ito. Nakakagiba ng dibdib sa totoo lang. Kailangan lang na marinig ang kanilang katotohanan para sila ay lubos na maintindihan. Lehitimo at makatao ang kanilang mga kahilingan.
At kapag ang tao ay naninindigan, natural lamang na may nasasaktan at naapektuhan. Tayo ‘yun! Ang mga nagbibiyahe at sumasakay sa PAL. Ginagamit tayong dahilan ng mga naninilbihan para buwagin ang laban ng mga taga-PALEA!
Nakakaistorbo sa taumbayan ang ginagawa ng iilang libong tao lamang! Ang higit na nakararami ang pinoprotektahan. Sa ganang akin, ang higit at laging inaapi ang pinoprotektahan. At sila ay ang mga uring manggagawa.
Habang nagmimisa ay ramdam ko ang mga petisyong ito:
Para sa aming pinaglalabang regular na trabaho...
Para sa tibay ng loob ng bawat isa na ipagpatuloy ang labang ito...
Para sa pag-unawa ng mga pasahero ng PAL sa usaping ito...
Para sa pag-angat ng kamulatan ng publiko sa mapang-aping sistemang kontraktwalisasyon...
Para sa katarungan, kapayapaan at lipunang makatao...
At nawa’y ang maging tugon:
Diyos ng katarungan, dinggin mo kami.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento